Ano ang pipiliin mo?
by J.B.
Nasa sa’yo na ang lahat: Materyal na mga bagay, kasikatan, katalinuhan, maraming pera at kayamanan… At sa tingin mo ikaw na ang isa sa pinakamatagumpay na tao sa buong mundo. Halos buong buhay mo at lakas ay ginugol mo para lang makuha ang mga bagay na iyan sa pag-aakalang magiging kontento ka at maligaya sa buhay. Nasa mga bagay na iyan ang pokus mo. Pero baka hindi mo alam na may mas mahahalagang bagay ka pala na naisasantabi.
Nakalimutan mo na may mga traydor pala sa hindi kalayuan na nag-aabang sa iyo at anumang oras ay puwede kang atakihin ng mga ito. Nar’yan ang sakit, magnanakaw, likas na sakuna, mga di-inaasahang pangyayari, pagtanda, at kamatayan. Kapag inatake ka ng isa sa mga iyan, sa tingin mo makakaligtas ka o maililigtas ka ng kasikatan at kayamanan mo? Worth it kaya ang buong panahon at lakas na ginugol mo para dito kung sa isang iglap ay puwedeng mawala ang lahat ng pinagpagalan mo?
At the end of the day, mapag iisip-isip mo na ang mga bagay na mayroon ka ngayon ay walang halaga. Mapagtatanto mo rin na ang buhay ay mas mahalaga kaysa sa materyal na mga bagay.
Tandaan, mahirap ka man o mayaman, iisang mundo pa rin ang ginagalawan nating lahat. Pare-pareho tayong nagugutom, kumakain, nauuhaw, at umiinom. Darating ang panahon na lilipas din ang kasikatan at mawawala din ang kayamanang taglay mo.
Kaya, ano ang pipiliin mo? Ang marangyang buhay sa sanlibutan na umaakay sa pagkapuksa o ang malinis na pamumuhay kaayon ng mga pamantayan ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan?
“Mag-ingat kayo at magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman, dahil kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.” (Lucas 12:15)
Other Posts
Article by J.B.
Article by The Editor