Religion and Beliefs

'Ito ang Katotohanan'

by: The Editor

Ano ang pinaniniwalaan mo? Bakit mo pinaniniwalaan iyon?

Minsan naitatanong ko din sa sarili ko ang mga tanong na ‘yan. At napapaisip ako kung bakit hanggang ngayon, naniniwala akong ‘totoo‘ ang mga pinaniniwalaan ko tungkol sa Bibliya at sa Diyos. Simple at lohikal ang mga katotohanang natutunan ko sa Bibliya kaya madali ko itong tinanggap. Sa bagay, kung gusto ng Diyos na makilala siya ng mga tao, bakit niya gagawing komplikado ang mga bagay na nagpapaliwanag sa kaniya? Sa artikulong ito, gusto kong ipakita at ipaliwanag ang ilan sa mga iyon.

Ang Diyos ay May Personal na Pangalan

Lahat ng bagay sa mundong ito, may buhay man o wala, ay mayroong mga pangalan. Mula sa mga microorganism hanggang sa mga bagay sa uniberso ay mayroong pangalan. Isa sa mga halimbawa nito ay ang ating Galaxy kung saan naroroon ang ating Solar System. Hindi ba’t mayroon din itong pangalan – Milky Way Galaxy? At ang mga grupo nito kung saan kabilang ang mga ito ay tinatawag ding ‘Clusters’ or ‘Superclusters.’ Isa sa mga ito ay ang ‘Laniakea Supercluster’ kung saan nakapaloob ang ating Galaxy. Kung iisipin ang napakalawak na unibersong iyan kung saan naroroon ang mga Supercluster, Cluster, Galaxy at mga planeta, kapansin-pansin na lahat ng iyan ay may mga pangalan. 

Laniakea Supercluster

Alam mo ba? Sinasabi ng Bibliya na lahat ng mga bituin sa langit ay mayroong pangalan at alam na alam ng Diyos ang mga iyon. (Isaias 40:26)

“Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo. Sino ang lumalang sa mga ito? Siya ang nagbibigay ng utos sa hukbo nila at binibilang niya sila; Tinatawag niya silang lahat sa pangalan. Dahil napakalakas niya at kamangha-mangha ang kapangyarihan niya, Walang isa man sa kanila ang nawawala.

- Isaias 40:26

Kaya kung ang mga bituin sa langit ay mayroong pangalan, kumusta ang Isa na lumikha ng lahat ng ito na sinasabing nakatira sa ‘langit’? Mayroon din ba siyang personal na pangalan?

Matapos lalangin ng Diyos ang unang tao, si Adan, binigyan niya ito ng atas na bigyan ng pangalan ang mga hayop. (Gen. 2:19, 20) Pero hindi lang mga hayop ang mayroong pangalan, maging ang unang mga tao din – sina Adan at Eba. (Gen. 2:7; 3:20) Kumusta naman ang Diyos na lumikha sa mga tao?

Nakapagtataka, sa dami ng mga relihiyon ngayon, hindi ginagamit at ipinapakilala ang personal na pangalan ng Diyos. Hindi ba’t sinasabi ng Bibliya na nilikha ang tao ‘ayon sa larawan ng Diyos‘? At sinasabi din ng Bibliya na ‘maging mga tagatulad tayo sa Diyos?’ (Gen. 1:26; Efe. 5:1) Kung gayon, kung tayong mga tao ay may personal na pangalan, bakit ang Diyos na lumikha sa atin ay sinasabing walang personal na pangalan?

Hindi ko lubos maisip kung paano naging makatuwiran ang gayong turo na ang Diyos daw ay walang personal na pangalan. Papayag ka bang tanggalin ang pangalan mo sa birth certificate mo at palitan na lang ito ng Sir, Ma’am, Boy, Girl, Manager o Supervisor? Siyempye hindi! Personal na pangalan mo ang nakasulat doon at napakahalaga n’on sa’yo. Paano ka makikilala ng mga tao kung hindi nila alam ang personal na pangalan mo? Kaya makatuwiran bang alisin at palitan ang personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya at halinhan ito ng titulong LORD?

That men may know that thou, whose name alone is JEHOVAH, art the most high over all the earth.

Hindi talaga ako kumbinsidong walang personal na pangalan ang Diyos o na mas gusto ng Diyos na tawagin na lang siya sa kaniyang mga titulo. Gaya ng sinasabi sa Awit 83:18, nilayon talaga ng Diyos na malaman ng mga tao ang personal na pangalan niyaJehova. Kung hindi ipinakikilala ng mga lider ng relihiyon ang pangalan ng Diyos, masasabi nga kayang nakikipagtulungan sila sa layunin ng Diyos na ‘malaman ng mga tao‘ ang personal na pangalan niya?

Ang Pagkakaiba ng Ama at ng Anak

Iba-iba ang pagkakilala ng mga tao kay Jesus at sa Diyos. Bago ako mag-aral ng Bibliya noon, naniniwala akong si Jesus ang Diyos. Pero mula nang mag-aral ako ng Bibliya, naunawaan ko kung ano ang pagkakaiba ni Jesus at ng Diyos.

May mga naniniwala na si Jesus at ang Ama niya ay bahagi ng iisang Diyos. Ito ang paniniwala ng mga Trinitarian – ang paniniwala na may tatlong persona sa isang Diyos. Nirerespeto ko ang paniniwala nilang iyan pero I find it unconvincing lang.

Ang isang tanong ko sa paniniwalang iyan ay “Bakit kailangan ng tatlong persona na ito (ang Ama, Anak, at Espiritu Santo) ayon sa paniniwala nila, na pagkasyahin o pagsamahin ang sarili nito sa iisang Diyos?”

May mga nagsasabing dahil iyon sa nagkakaisa sila sa ‘layunin.’ At may mga nagsasabi din na ‘pantay-pantay‘ ang tatlong personang ito ngunit gumaganap ng iisang papel bilang Diyos. Mahabang paliwanagan kung pag-uusapan natin ang tungkol sa paniniwala nilang iyan. Pero bakit nga ba mas tinanggap ko ang paniniwalang iisa lang ang Diyos na dapat sambahin at hindi iyon katulad ng ‘iisang Diyos‘ na may tatlong persona?

Simple lang. Kung gusto ng Diyos na makilala siya ng mga tao, hindi niya gagawing komplikado ang mga bagay na nagpapaliwanag sa kaniya. It’s a basic thing. Note that the word of God used family terminologies to easily understand the difference between the Father and the Son. The One who we must worship alone [that is, Jehovah, the Father] and the One who mediates us to Him [Jesus, the Son].

"Kung gusto ng Diyos na makilala siya ng mga tao, hindi niya gagawing komplikado ang mga bagay na nagpapaliwanag sa kaniya."

Kung ipapaliwanag ko sa isang bata ang tungkol sa Diyos, madali niyang mauunawaan kung sino ang Diyos at Ama na sinabi ni Jesus na tanging dapat sambahin. Parang ganito, if I asked a child about the difference between him and his father, it will be like this:

Ako: Sino ang Tatay mo?

Bata: Si ________ po.

Ako: Sinong mas marunong sa inyong dalawa, ikaw o ang tatay mo?

Bata: Tatay ko po.

Ako: Sino naman ang mas may alam, ikaw o ang tatay mo?

Bata: Tatay ko po.

Ako: Sino sa tingin mo ang dapat masunod sa inyong dalawa, ikaw o ang tatay mo?

Bata: Tatay ko po.

See? It’s a simple illustration on how can I simply explain to a child the difference between the Father and the Son. Hindi ito komplikadong intindihin. Kahit sabihing parehong tao ang tatay at ang anak, pero may mas mataas, may mas alam, at may mas awtorisado sa kanilang dalawa, ang Tatay. Ang ganitong paraan ng pagtuturo at pangangatuwiran ay napakadaling intindihin ng mga bata.

Kapag madali nilang nauunawaan ang isang bagay 
mas nagiging madali lang din para sa kanila na tanggapin iyon. Ganiyan din kung tungkol sa paniniwala sa Diyos. Mas madali nilang mauunawaan ang tungkol sa pagkakaiba ng Ama at ng Anak kaya mas magiging madali lang din para sa kanila na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos. Bakit? Dahil hindi sila malilito sa pagka-Diyos ng Diyos. Gugustuhin kaya ng Diyos na mahirapan ang mga bata sa pag-alam kung anong uri siya ng Diyos? Magkakaroon kaya ng malapit na kaugnayan ang mga bata kung nahihirapan silang unawain kung sino ang Diyos? Hindi isang misteryo ang Diyos. At ganiyan si Jehova at si Jesus. Ngayon, pansinin ang sinabi ni Jesus kung sino talaga ang dapat na sambahin.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil NASUSULAT: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at SIYA LANG ang dapat mong paglingkuran.’”

- Mateo 4:10

Sumipi si Jesus noon mula sa ‘nasusulat‘ sa mga balumbon upang ipakita kung sino ang Diyos na ‘yon na tanging dapat sambahin. (Deut. 6:13, American Standard Version) Kung siya rin naman pala ang sinasabi niyang dapat sambahin, sana ay sinabi niyang ‘ako lamang ang dapat mong sambahin’, hindi ba? Pero bakit hindi ‘yon ang sinabi niya?

Yes, it’s a simple fact. Jehovah did not want to complicate things that explain who He really is. He reveals the truth in a simple way and is easily understood, para maging madali din sa mga lingkod niya na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa kaniya.

Ang Diyos na May Layunin

Naniniwala ako noon na magugunaw ang mundo. At hanggang ngayon, may mga naniniwala pa din na gugunawin ng Diyos ang mundo dahil sa kasalanan ng mga tao, o na magugunaw ang mundo dahil sa mga kalamidad. Pero ngayon, I find it unreasonable na. Why?

After of billions of years na ginawa ng Diyos ang Planetang Lupa, gugunawin niya lang iyon dahil sa kasalanan ng mga tao? O na hahayaan Niya nang tuluyang masira ito? Kung gayon, ang Diyos na ito ay talagang nagpabaya na sa kaniyang mga nilikha na para bang wala na siyang layunin pa para dito. Pero hindi ganiyan ang natutunan ko sa Bibliya.

Ang sabi ng Bibliya, ang Lupa ay nilikha ng Diyos upang maging permanenteng tirahan ng mga tao. Pansinin ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya:

Dahil ito ang sinabi ni Jehova, Ang Maylalang ng langit, ang tunay na Diyos, Ang gumawa sa lupa, ang Maylikha nito na nagpatatag dito, Na hindi lumalang nito nang walang dahilan, kundi LUMIKHA NITO PARA TIRHAN: “Ako si Jehova, at wala nang iba pa.

- Isaias 45:18

Ang langit ay kay Jehova, Pero ANG LUPA AY IBINIGAY NIYA sa mga anak ng tao.

- Awit 115:16

Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, GAYON DIN SA LUPA

- Mateo 6:10

Batay sa mga tekstong iyan, mayroong matibay na basehan para paniwalaang may layunin ang Diyos para sa Lupa. At kung pagbabatayan ang sinabi ni Jesus, talaga ngang gusto ng Diyos na mangyari ang kalooban niya, hindi lang sa langit, kundi ‘gayon din sa lupa.’

Pero dahil ba sinisira ng mga tao ang lupa ay wala ng gagawin ang Diyos? Hahayaan niya na lang bang masira ang napakagandang Lupa na ‘ibinigay niya sa mga anak ng tao’? Hindi. Pansinin ang isa sa mga natutunan ko sa Bibliya nang sabihin nitong dahil sa galit ng Diyos ay ipapahamak nito yaong ‘mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apoc. 11:18) Gayon din naman, sinasabi ng Bibliya na ‘ang masasama ay lilipulin, pero ang mga umaasa kay Jehova ang magmamay-ari ng lupa.’ (Awit 37:9) Kaya hindi ang Lupa ang aalisin ng Diyos, kundi y’ong mga tao na hindi gumagawa ng kalooban niya at sumisira pa nga sa lupa. Alam mo ba? Sinasabi ng Bibliya na:

 

Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, At titira sila roon magpakailanman.

- Awit 37:29

Sa totoo lang, magiging di-makatuwiran ang Diyos at sasalungat din sa kalooban niya kung gugunawin niya lang ang lupa. Mas tanggap ko ang paniniwalang hindi kailangan ng Diyos na gunawin ang Lupa at gumawa ulit ng bago para lang maging maganda itong muli. Ang Lupa mismo ay dinisenyo ng Diyos na may kakayahang pagalingin ang sarili nito.

Ayon kay Scott Denning, Professor of Atmospheric Science at Colorado State University

Our living planet is incredibly resilient and can heal itself over time. The problem is that its self-healing are very, very slow. The Earth will be fine, but humans’ problems are more immediate.” (Is it possible to heal the damage we have already done to the Earth?)

Kaya ang totoong problema ay ang masasamang resulta ng mga gawa ng tao, hindi ang Lupa. Kung aalisin ng Diyos ang mga nagpapahamak o sumisira sa lupa, at ititira niya ang mga matuwid (o y’ong mga gumagawa ng kalooban Niya at sumusunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan), hindi na magiging problema pa ang mga tao o na mangangamba pa tayo na baka makagawa pa sila ng mga bagay na makakasira sa Lupa. At yamang ‘magpakailanman‘ ang nilayon ni Jehova para gawin itong tirahan, magkakaroon talaga ng sapat na panahon ang Lupa hanggang sa maibalik nito ang orihinal na pagkakadisenyo sa kaniya. Oo, isang Paraisong Lupa!

Konklusyon

Ilan lang ito sa mga dahilan kaya mahigpit kong pinanghahawakan ang paniniwalang ‘ito ang katotohanan.’ Dahil kumbinsido akong (1) ang Diyos ay mayroong personal na pangalan gaya ng mga nilikha niya at gusto niyang gamitin ito kung paanong gusto din nating ginagamit ang ating personal na pangalan, (2) simple lang ang katotohanan tungkol sa pagka-Diyos ng Diyos, hindi iyon komplikadong intindihin, at madali itong mauunawaan kahit ng mga bata kaya magiging posible din para sa kanila na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos, at panghuli (3) ang Diyos na ito ay may di-nagbabagong layunin para sa lupa, at sa tamang panahon, kikilos siya upang isakatuparan ang layunin niyang iyon. Oo, ang mga simpleng katotohanang iyan sa Bibliya ay masasabi kong makatuwiran at may basehan.

Ikaw naman, anong pinaniniwalaan mo? Bakit ‘yan ang paniniwala mo?

Other Posts

Lahat ng bagay sa mundong ito ay may pangalan. Kumusta naman ang Isa na lumikha sa lahat ng ito?

Scroll to Top