Koleksiyon ng mga Butil ng Katotohanan
Photo credit to: Jevgenija Zukova-Cernova
Sa nakaraang mga artikulo, binanggit ko ang ilan sa mga katotohanang natutunan ko mula sa Bibliya. Binanggit ko ang tungkol sa pangalan ng Diyos, pagkakaiba ni Jehova at ni Jesus, at ang layunin ng Diyos para sa lupa. Gayunman, talagang pinag-isipan kong mabuti kung ano na nga ba ang mga katotohanang nalaman ko at natutunan ko mula nang mag-aral ako ng Bibliya. Matagal-tagal na din mula nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Mula nang mabautismuhan ako, marami pang bagay akong natutunan at natuklasan sa pag-aaral ko ng Bibliya. Gusto ko lang balikan ang ilan sa mga katotohanang natutunan ko mula dito. Narito ang ilan sa mga iyon:
– Personal na pangalan ng Diyos
– Pagkakaiba ni Jehova at ni Jesus
– Orihinal na layunin ng Diyos sa Lupa
– Walang imortal na kaluluwa
– Hindi pag-iral ng walang-hanggang apoy ng impiyerno
– Ang isinakripisyong buhay ni Jesus bilang pantubos
– Pagkaunawa sa hula sa Genesis 3:15
– Pagkaunawa sa kaayusan tungkol sa Kaharian ng Diyos
– Pagiging accurate at tumpak ng Bibliya pagdating sa siyensiya, kasaysayan, at propesiya
– Pagiging praktikal ng mga payo ng Bibliya
– Kung paano naka-survive ang Bibliya mula sa pagtatangkang hadlangan ito sa paglaganap
– Kung paano ito isinulat at kung paano ito nagkakatugma
– Pagkaunawa tungkol sa imperyo ng huwad na relihiyon
– Pagkaunawa tungkol sa mababangis na hayop sa aklat ng Daniel at aklat ng Apocalipsis
– Pagkaunawa sa agos ng panahon ayon sa hula ng Bibliya
At marami pang iba. Ang ilan pa sa mga isinulat ko ay may kinalaman sa makabagong-panahong paggabay ni Jehova sa mga lingkod niya sa panahon ng kawakasan.
Halimbawa, bago ang taon ng 1914, may isang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya na nakaunawa na mayroong mahahalagang pangyayaring magaganap sa taon ng 1914. Bagaman hindi ganoon kalinaw ang kaunawaan nila sa mga mangyayari sa taon na iyon, pero nagkaroon sila ng matibay na pananampalataya at patotoo na sa taon ngang iyon ay may mahahalagang pangyayari na babago sa kasaysayan ng mundo. Gayundin ang mga pangyayari bago ang taon ng 1931. Ang taon kung kailan tinanggap at ginamit ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang Saksi ni Jehova (o, Jehovah’s Witnesses) na ibinatay sa kanilang pagkaunawa sa Isaias 43:10-12.
Isa pa sa mga isinulat ko ay ang tungkol sa pagkaunawa ng mga Saksi sa pagbangon ng nagkakaisang mga bansa (o, United Nations) bago ito lumitaw noong taon ng 1945. At ang kamangha-manghang panahon bago inilabas at inilathala ang New World Translation Bible kung saan ibinalik at isinauli ang pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan o mas kilala bilang ang Bagong Tipan.
At sa panahong ito, talagang nakakapagpatibay isipin kung paano ginagabayan ng Diyos na Jehova ang bayan niya. Halimbawa, ang pagsisikap ng mga lingkod niya ngayon na maisalin ang mensahe ng Bibliya sa napakaraming wika. Gayundin ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa 240 na mga lupain. Bukod pa diyan ay ang pagsisikap ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova na makapaglaan ng espirituwal na mga pagkain kahit pa may mga pagsalansang at pag-uusig ng gobyerno ng tao.
Kaya masasabi kong may paggabay talaga si Jehova sa kaniyang mga lingkod ngayon dito sa lupa! Sa susunod na mga artikulo, iisa-isahin ko ang mga butil ng katotohanang iyan para makita mo kung ano ang naging mga basehan ko para masabing totoo ang mga ‘katotohanan’ na pinapaniwalaan ko.