Realizations and Learnings

Mahalin mo Sila Hangga't may Pagkakataon

Masarap isipin ang mga panahong kasama natin ang ating mga magulang, o ang ating mga lolo at lola. Kung kasama mo sila hanggang sa panahong ito, dapat kang maging masaya, at magpasalamat dahil kasama mo pa sila. Malamang na nagkaroon din ng pagkakataon sa buhay mo na naaalala mo yung masasaya na mga panahong nakasama mo sila at naka-bonding. Baka may-edad na din sila ngayon kaya posibleng hindi na nila gaano naaalala yung ilan sa mga iyon.

Kung iisipin, napakadami na nilang nagawa para sa atin kung ikukumpara sa mga bagay na nagawa o ginagawa pa lang natin para sa kanila ngayon. Kunin natin bilang halimbawa ang ating mga magulang. Kung kasama mo sila hanggang sa panahong ito na malaki ka na at isa ng adulto, malamang na nakita mo rin kung paano ka nila pinalaki nang maayos at kung paano sila nagsikap nang husto para mapaglaanan ka nung mga bagay na kailangan mo.

Naaalala mo pa ba yung mga panahon na gusto mong magpabili ng gusto mong laruan o ng gusto mong pagkain? Malamang na naaalala mo pa iyon, at talagang masayang-masaya ka nung ibili ka ng magulang mo ng mga bagay na gustung-gusto mo.

Kumusta naman noong panahong iyakin ka pa at inaway ka ng klasmeyt mo o ng mga kalaro mo, o noong mga panahong madali ka pang matalisod, naaalala mo pa ba kung paano ka ni-comfort ng magulang mo, o ng mama mo, o ng papa mo ng pagkakataong ‘yon?

Napakasarap isipin ng mga panahong iyan, hindi ba? Kung tutuusin, napakaraming bagay ang ginawa ng mga magulang natin, at karamihan sa mga iyon ay hindi natin nalalaman. Yung mga sakripisyo nila, yung pagsasantabi sa sarili nilang kagustuhan, yung mga problema na pinagdaanan nila habang pinapalaki tayo, yung paghihirap nila na kahit may sakit sila, tayo pa rin ang iniisip nila, yung kahit galit sila sa atin ay hindi pa rin nila tayo iniwan kasi gano’n nila tayo kamahal.

Madalas nating nalilimutan ang mga bagay na iyan. Kaya hindi natin nagagawa yung mga bagay na dapat sana ay ginagawa natin ngayon para sa kanila.

Noon, sila pa ang nagbibigay sa atin ng pera para may pambaon tayo sa school. Pero ngayong may-edad na sila, baka sila na ngayon ang nanghihingi sa atin. Kung iisipin natin ang lahat ng isinakripisyo nila para sa atin noon, magiging kakulangan ba sa atin kung bibigyan natin sila ng kahit kaunti mula sa kinikita natin? Masyado ba tayong mahigpit sa pera at pinagdududahan sila kapag binibigyan natin sila ng pera?

Iba-iba ang paraan ng pagpapalaki sa atin. Iba-iba din kung paano tayo pinakitunguhan ng ating mga magulang, at kung paano sila nagtrabaho nang husto para mapaglaanan tayo. Ang tanging maipapayo ko lang sa’yo, mahalin mo sila hangga’t may pagkakataon.

Scroll to Top