Poem
Pagtakas
JR Nievas
Tumatakbo palayo mula sa madilim kong mundo,
Dahil sa karimlan ng paligid ay nalugmok ng husto,
Dinaig ng kasalanan nung mahulog sa tukso,
Nung dumaan sa puwang na hindi ko ginusto.
Sinusundan saanman magtungo
ng bulong at sigaw magpa-hanggang sa dulo.
Ginigising sa gitna ng gabi
at ibinabangon akong takot,
Hindi maibigkas ng labi ang mga tanong
na hindi ko alam ang sagot.
Alinman ang piliin ko’y bumabalik pa din sa pinanggalingan,
Kaya nga bang daigin ng totoo ang kasinungalingan?
Hinihiling na lamang na mapasalibingan,
ang bangungot ng mga alaalang patuloy na gumagambala sa aking isipan.
Ako’y alipin ng kahinaan,
at ginugupo ng negatibong mga posibilidad,
Sinasaktan ang sarili
sa kakulangan ng abilidad,
Ako’y alipin ng kahinaan,
saan, ano, kailan, at paano,
Ang sagot ay hindi ko alam
kung saan, kung ano, kung kailan at paano.
Gaano nga ba kalalim ang sugat?
Gaano kahapdi ang masaktan?
Ang pangangailangang magamot ay singhalaga
ng pagnanais na mahagkan.
Yakapin man ay hinihila pa din mula sa nakaraan,
at iginagapos ako sa tanikalang walang susi at paraan.
Kaibigan, kaibigan
Nasaan ka nung ikaw ay aking kailangan?
Bakit mabilis mo akong mahanap sa panahong ikaw ang may kailangan?
Ngunit nasaan ka nung ako ang nahihirapan?
Ni anino mo’t bakas ay nahirapan ako na masilayan.
Patuloy akong tumatakbo, nagtatanong, at naghahanap ng kasagutan.
Habang patuloy akong lumalayo sa gusot na dala-dala ng aking katauhan.
Sa madilim na kinaroonan,
sa malalim na kinahulugan,
Iahon mo ako kaibigan,
Ako’y iyong tulungan.
Gaano nga ba kalalim ang sugat?
Gaano kahapdi ang masaktan?
Ang pangangailangan ng kausap ay singhalaga
ng pagnanais kong mapakinggan.
Dinggin man ay nagpupumiglas sa hukay ng nakaraan,
Nawa’y pigilin mo’t iahon,
ibangon sa anumang mga paraan.
Kaibigan, kaibigan,
Nar’yan ka nga lang ba sa tabi para ako’y tabihan?
Ngunit walang anumang imik para ako’y pagsabihan?
Ang pananahimik mo’y nagtutulak sa akin pabalik sa karimlan,
Dahil ang pagtabi mo sa’kin ay tila ‘isantabi’ na nga lang naman.
Paulit-ulit na napupunta sa puwang na hindi ko ginusto,
Dinaraig ng kasalanan kapag nahuhulog sa tukso,
Sa madilim na paligid ay nalugmok ng husto,
Gusto ko na lamang tumakbo palayo sa madilim kong mundo.