Poem
Sino ang Kaibigan?
JR Nievas
Sino ang kaibigan?
Siya ba yung masaya kapag masaya ka?
Siya ba yung malungkot kapag malungkot ka?
Mabilis mo ba siyang natagpuan?
Saan mo siya nahanap?
Kailan kayo huling nag-usap?
Paano ka niya ibinangon
noong panahong nahihirapan ka?
Sino siya?
Magkapareho ba kayo ng hilig?
Pareho ba kayong may pag-ibig?
Nakakausap mo ba siya kapag kailangan mo ng kausap?
Kailangan ba na lagi kayong magkausap?
Kailangan ba na lagi ka niyang kukumustahin?
Nag-away na ba kayo noon?
Pinatawad na ba ninyo ang isa’t-isa?
Paano mo siya nahanap?
Sino siya?
Marunong ba siyang umunawa?
Marunong ba siyang tumawa?
Mahirap ba magkaroon ng kaibigan?
Paano mo mahahanap yung tunay na kaibigan?
Lahat ba ng kaibigan mo tinuturing kang kaibigan?
Sino sa kanila yung talagang nagmamalasakit sa’yo?
Nagkakasundo ba kayo?
Bakit mo siya gustong maging kaibigan?
Gusto ka ba niyang maging kaibigan?
Hanggang kailan kayo magiging magkaibigan?
Hanggang kailan? Hanggang kailan?
May kaibigan bang makikinig sa’yo?
Nakikinig nga ba talaga siya sa mga sinasabi mo?
May kaibigan ka nga ba talaga?
Kung wala, puwede bang ako na lang?
Kaso hindi ako tunay na kaibigan,
hindi mo ako kaibigan, hindi mo ako kailangan.
Hindi mo kailangan ng kaibigan.
Kailangan mo ba ng kaibigan?
O kaibigan mo ba siya kapag may kailangan ka lang?
Hindi kaibigan yung kailangan ka lang.
May kaibigan ka na ba?
Kung wala, puwede bang wala na lang?
Sino ang kaibigan?
Sino ulit siya?
Kaibigan mo ba siya?
Bakit? Kailangan mo ba siya?